Sunday, August 5, 2012

SA TAWAG NG TUNGKULIN (LOKAL NG MADARANG)


Araw ng Sabado.
Tulog pa ang kabahayan. Nanunuot pa ang lamig ng bukang-liwayway subalit mababakas na sa mukha ni Andrei ang init ng pagkasabik. Para sa kanya ang araw na ito ay isang masayang hamon sa panahong siya ay kasalukuyang nagbabakasyon. 

Sasamahan niya ang kanyang Kuya Eman sa pagtungo sa isang dako upang mangasiwa ng pagsamba. Ayon dito malayo-layo ang lalakarin nila kaya dapat siyang maghanda.

“Exciting ‘to” , masayang pahayag ni Andrei habang sinisipat ang sarili sa salamin. Pormang porma siya sa kanyang Fred Perry polo shirt na tinernuhan ng nangingintab na jeans. Lalo pang naging kapansin-pansin ang kanyang kasuotan dahil sa kulay lila nitong all star converse Chuck Taylor low tops shoes at sunglasses na  Louis Vuitton.

“Makikita mo Kuya Eman, magsasaya ako sa pupuntahan natin… Wait for me! I’m coming for you… Madarang.”

(Ang Madarang ay isang munting baryo sa bayan ng Salcedo na bagaman may kalayuan sa sentro o bayan sa pamamagitan ng di birong paglalakbay ay kinatatagan ng isang kapilya bunga narin ng pananampalataya ng ilang bilang ng mga kapatid doon.)


Ilang sandali pa’y dumating ang kanyang Kuya Eman.

“Drei ready ka na ba?” bungad na tanong nito.

Isang sulyap pa sa salamin. Pagkatapos ay swabeng-swabe na lumabas si Andrei sa kanyang silid.

“Anong masasabi mo kuya, ayos ba?”

Muntik nang masamid si Eman sa hinihigop na kape . Ramdam niya ang paso ng mainit na tubig  na gumulat sa kanyang bibig.Pero sa kabila nito ay nagawa parin niyang humagalpak ng tawa sa nakitang ayos ng kapatid.

“Ano yan?” pagtutudyo nito. “Magpalit ka ng suot mo. Baka magsisi ka kapag nasa kalagitnaan na tayo ng paglalakad.”


Tila nabigla si Andrei sa tinuran ng kapatid subalit agad ding nakabawi.

“Sus! Sanay akong maglakad kuya, don wori. Isa pa mas ok sa akin itong suot ko ngayon” , ani’ to.

“Sigurado ka ba diyan, baka manghinayang ka sa sapatos mo?” birong patuloy ni Eman.

“Makikita mo”, paangas na sagot ng nakababatang kapatid.

Napapailing nalang si Eman. At matapos masaid ang laman ng tasa  ng kape na bahagyang nagpainit sa kanyang katawan ay binitbit na niya ang kanyang “suit case” kung saan  maayos na nakasilid ang kanyang Amerkana at gayundin ang isang “pouch” na kinalalagyan ng kanyang black leather shoes at isang t-shirt.



Di mapakali si Andrei habang lulan ng may kalumaang owner-type jeep wrangler na sinasakyan nila papunta sa una nilang destinasyon. Ineenjoy ang mga tanawing nadaraanan habang lawit ang ulo sa bintana ng sasakyan. Natuwa si Eman sa aktwasyon ng nakababatang kapatid kaya kinuha niya ang atensiyon nito.

            “Drei, nakikita mo ba yang bundok na ‘yan? Sa likod niyan ay mayroon pang isang maliit na bundok. Doon sa likod ng bundok na iyon ay ang lokal ng Madarang.”

Nakangangang tumango-tango si Andrei. Sa isip-isp niya pinagloloko na naman siya ng kapatid.

“Uy exciting”, pabirong ganti niya sa kapatid sabay halakhak.




Ilang sandali pa’y naglalakad na ang magkapatid patungo sa paanan ng bundok. Iniwan nila pansamantala ang kanilang sasakyan sa lokal ng Salcedo, ang sentrong lokal ng bayang iyon. Naglakad sila sa pamayanan,lumusot sa kabahayan, tinawid ang bukid, tumulay sa isang maikling hanging trail, at sa wakas magsisimula na ang kanilang pag-akyat.

Ngayon lang napansin ni Andrei ang kasuotan ng kapatid. Simpleng-simple sa kanyang manipis na white t-shirt at sweat pants. Mas pinili nito ang magtsinelas sapagkat masyado raw mainit sa paa ang sapatos sa paglalakad.

“Bira na?”, masayang bulyaw ni Eman.

“Tara lets” sigaw naman ni Andrei habang sila’y nagtatawanan.



Naging masaya kay Andrei ang unang labinglimang minuto ng pag-akyat. Talaga namang nag-enjoy siya sa katahimikan na di niya kailanman naranasan sa lunsod, ang dami ng mga puno, at ang paminsa’y huni ng mga ibon na lumilipad sa kung saan. Subalit magkakalahating oras na silang umaakyat ay wala pa siyang makitang pahingahan, na sabi ng  kanyang kapatid ay ang unang istasyon. Hindi madaling magtagal sa ganung kalagayan, lalo na’t matarik ang daang inaakyatan.

Big bro, baka gusto mo nang magpahinga, pawis na pawis ka na ooh”, pambubuska ni Andrei sa kapatid. Ang totoo’y umiinit na ang buong katawan niya sa pagod na nararamdaman.

Natawa si Eman sa tinuran ng bunsong kapatid. “Wag kang mag-alala andito na tayo sa unang istasyon.”

Napamulagat si Andrei nang makita ang isang kubol. Nagmadali siya sa paghakbang at agad na ibinagsak ang katawan sa maliit na papag na naroon.

“Heto, uminom ka ng tubig”, alok ni Eman. Umupo ito saglit at nilagok ang tubig na iniabot ng kapatid.

“Huwag kang uminom ng marami, lalo kang mahihirapan sa pag-akyat kung ramdam mong may laman ang tiyan mo”, babala nito.


Ilang minuto pa.
 “Tara na?” tanong ni Eman. Baka mahuli tayo sa takdang oras ng pagsamba kung magtatagal tayo dito.

Gusto pa ni Andrei na mahiga pero kailangan na nilang sumabak ulit sa akyatan.

Naging mas mahirap ang mga sumunod na sandali. Hindi lamang ang daang patulos at paikot kundi pati ang panaka-naka’y pagkirot ng nangangalay na mga binti. Si Eman ay may hawak na ngayong manipis na kawayan na kanyang ipantutukod upang kahit papaano’y magpagaan sa bigat na nararamdaman. At si Andrei na kanina’y di mapigil ang katabilan ay nananahimik at bahagyang nakatuon ang tingin sa dinaraanan.

            “Grabe, akala ko nagbibiro lang siya”, sa isip-isip ni Andrei. Di niya maitatago ang pagod na nararamdaman at minsa’y napapangiwi dahil sa kirot na sumusundot sa tagiliran. Tama yata ang sinabi ng kapatid, di siya dapat uminom ng marami.
            “Ang tibay niya”, ganito ang naglalaro sa isipan ni Andrei habang nakabuntot sa kanyang Kuya Eman. Kita niya ang seryoso ngunit walang angil na anyo ng kanyang kuya. Pawisan ito habang nakasalukot ang suit case sa kaliwang balikat at sa kanang kamay nito ay ang tungkod na kawayan.

Ngunit hanga siya sa kaniyang Kuya Eman , di nahahalata ang pagod sa kanyang postura, sa kalmado at matikas na tindig nito, samantalang siya’y kumukuba na sa pagod.

Bigla-biglang binasag ni Andrei ang katahimikan. “Kuya Eman, ilang beses ka nang umakyat dito para mangasiwa ng pagsamba?”

            “Di ko na maalala, dahil di ko na mabilang”, saad nito habang tumatawa.


Narating nila ang ikalawang kubol, ang ikalawang istasyon. Mga apatnapu’t limang minuto ang naging lakbay nila mula sa unang istasyon.

            “Sulit ang pagod kuya, ang ganda ng view dito”, masayang saad ni Andrei habang tinitignan ang mga bahay sa pamayanan. Tila siya isang higanteng nakamasid sa mga nagliliitang bahay sa ibaba. Kita nila mula sa itaas ang karatig-bayan, pati na ang pagkakadugtong-dugtong ng ilog sa bawat barangay na tulad sa isang pising walang pagkalagot.

            “Narito na tayo sa ituktok ng unang bundok, kakabila nalang tayo doon sa isang maliit, andun na tayo”, pahayag ni Eman.

            Tumango nalang si Andrei habang pinapagpag ang nangingitim niyang sapatos. Basang-basa narin siya ng pawis. Sa isip-isip niya, dapat nag-shorts at sando na lang siya.Wala pa naman siyang dinalang pamalit.

            “Heto magpalit ka ng t-shirt mo” pukaw sa kanya ni Eman sabay itsa sa dala niyang damit. Gaya ng inaasahan, kakailanganin nga ng bunsong kapatid na magpalit ng damit kaya nagdala siya ng ekstrang t-shirt.

Pagkatapos magpalit ng damit, muli silang sumabak sa lakaran. Narating nila ng mas mabilis ang ikatlong kubol, ang ikatlong istasyon sapagkat di naman ito ganun kalayo sa ikalawang kubol na pinanggalingan.Tumigil sila ng saglit at pagkatapos ay tumuloy ulit.



Inakyat nila ang ikalawang bundok at laking pasalamat ni Andrei sapagkat hindi ito ganun kataas na gaya ng una. Humigit-kumulang isang oras ang kanilang naging paglalakbay mula doon sa ikatlong istasyon.Mukhang di na niya kaya pang magtagal. Naninigas na ang mga kalamnan ng kanyang binti.

Maya-maya lang ay biglang napatungo si Andrei nang marinig niya ang sunod-sunod na tilaok ng tandang.Biglang sumigla ang kanyang pakiramdam.

“Andito na tayo Drei..Welcome sa Madarang! Congrats, nagawa mo!” pahalakhak na pahayag ni Eman.

 Sa wakas narating nila ang bario ng Madarang.

Nakahinga ng maluwag si Andrei at gumuhit sa mukha nito ang tuwa.Mag-aalas otso kanina ng magsimula silang umakyat, narating nila ang Madarang ng alas diyes kuwarenta y singco ng umaga.



………………………………………………………………………………………………………………

Ito ang karanasang di malilimutan ni Andrei. Isang danas ng masayang  hamon sa kanya sa panahon ng kanyang pagbabakasyon.
Ganito pa ang nilalaman ng kanyang journal:


                                                                                                                        04-27-11 13:25
            “Tumuloy kami sa bahay ng kapatid. Mga maytungkulin lahat halos ang mga kasapi ng sambahayan. Naging mainit ang pagtanggap nila sa amin, lalo na kay Kuya Eman. Di mailalarawan ang galak na sumilay sa kanilang mga mukha ng kanila siyang makita at saksi ako sa mabuting pag-aasikaso nila sa kanya.”


            “Nagpahinga siya ng kaunti at pagkatapos ay tumayo ulit para ayusin ang sarili. Alas dose ang takdang oras ng pagsamba. Mangangasiwa siya kaya dapat ng maghanda.”


            “Habang nangangasiwa siya ng pagsamba, sa aking paghinihintay ay pansamantala akong lumadlad sa isang kawayang papag na naroon. Sa maligamgam na haplos ng hangin sa mataas na lugar na yaon, at sa kakaibang kapaligiran na sa bario lamang mararamdaman ay nakatulog ako ng di ko namamalayan. Isang oras marahil  na ako’y nahimbing. Nagkaulirat na lamang ako ng maramdaman ko ang tapik ng mag-asawa sa’king tagiliran. “Nakkong lika na dine’t tayo’y mananghalian” , paanyaya nila. Tinanong ko kung nasaan si Kuya Eman at ang sabi’y paparating na’t tinatapos lamang daw yaong kanyang pagdodoktrina.”


            “Dumating si Kuya Eman at sabay kaming dumulog sa hapag na namumutakti sa pagkain. Susubukan kong alalahanin ang ilan. Mayroong tinola (mula daw sa native na manok), adobo at kilawin (mula daw sa native na baboy), menudo at mga gulay, sitaw, pakbet, atsara at monggo. May mga putahe rin daw doon mula sa specialty nilang bayawak at palaka. Sa gutom ko’y di ko na maalala pa kung alin sa mga putahe doon ang aking nadampot, ayoko nang alalahanin pa.”


            “Naging masaya ang aming pagsasalo-salo. Ang ilang mga kapatid na sumalo sa amin ay tuwang-tuwa sa pakikipagkwentuhan at pakikipagbiruan kay Kuya Eman. Nawala ang lahat ng pagod at dinaramdam ng katawan ko sa pagkakataong iyon. Ngayon ko lang naintindihan kung gaano kadakila ang tungkulin ni Kuya Eman.”

            “Kaya pala tila wala siyang kapaguran.”


“Agad din kaming bumaba pagkatapos ng ilang sandaling pahinga sapagkat araw ng Linggo bukas. May pangangasiwaan pa daw si Kuya Eman na pagsamba bukas ng madaling-araw subalit hindi na dito kundi sa lokal ng Candon,isang mas malaking lokal, ang sentrong lokal sa Candon City.”



P.S.

                        Kung gaanong hirap ang pag-akyat, ngayon ko nalamang mas mahirap ang pagbaba sa isang matarik na daan. Gusto kong magpagulong-gulong nalang.


                Si Kuya Eman matikas parin sa pagbaba.


 Nais kong maala-ala ako sa paglalakbay na ito kaya sa bawat istasyon na aming napagbabalikan ay inuukit ko sa pamamagitan ng charcoal ang aking pangalan  pati na ang petsa. Sa wakas ay napahanay ang aking pangalan sa listahan ng mga pangalan doon.

Sa pinakababa ng listahan ay ang karatulang HUWAG PONG SULATAN ANG MGA DINGDING (MULTA P100).

Nang mga sumunod na araw, hindi na ako nakalabas pa sa aking silid. =D




seal 04-28-11 23:00

1 comment:

Anonymous said...

Wow, nakarating na po ako jan :)