Sunday, August 5, 2012

(PANITIKAN) KATHANG-ISIP SA MGA KATOTOHANAN


ANG GININTUANG ARAL
(Ang mga tauhan at palitan ng pahayag ay likha lamang ng awtor,walang ginamit na tiyak na basehan,literatura man o kasaysayan,at di dapat na gamiting basehan sa anupaman. Kung sakali mang nagkaroon ng pagkakatulad,ito'y nagkataon o paghahalintulad lamang)


Di na niya alam kung gaano kalayo ang narating ng pag-uusap nila. Ang bawat salitang binibitawan ni Confucius ay itinatatak na mabuti ng kanyang mag-aaral sa puso at isipan, at ito ang kanyang buong ingat na hinihimay bago siya humimbing sa pagtulog. 


ANG LAMPARA
Bagaman ang hampas ng hanging dala ng malakas na bagyo ay nag-aalimpuyo sa labas ng kanilang maliit na tahanan, makikitang buong pagsisikhay na inaalam ni Lao ang mga lihim na nakasilid sa mga binigkas ng kanyang maestro.Sa malamlam na liwanag ng lamparang de'gaas, mababakas ang masidhing hangarin ng bata na tuklasin ang pinakamalalim na kahulugan ng mga letra, ng salita, ng pangungusap, at ang nakatagong mensaheng dapat mahayag.
Malalim na ang gabi subalit paulit-ulit na bumabalik sa kanyang diwa ang sinseridad at lungkot sa mga mata ng kanyang butihing maestro habang nagtuturo sa kanya sa huling pagkakataon.

"Lao,pakinggan mo itong mabuti anak at huwag kang maglulubay hanggat hindi nasasaliksik ng iyong puso ang tunay na ibig sabihin", mahinang pahayag ni Confucius. Bakas sa katawan nito ang matinding panghihina na dulot ng dysenteria. 

Subalit sa kabila ng kalagayang ito ng kanyang maestro,panatag na nakikinig si Lao, mabilis ang kanyang koordinasyon habang isinusulat ang mga huling pahayag ni Confucius.Natatak sa kanya ang bilin ng kanyang maestro, na ang pagpanaw ay hindi ang siyang katapusan, ito ang panahon ng pagpapahinga ng mga napagal,ang pagtahan ng mga lumuluha, ang paghahanda sa pagkakamit ng tunay na gantimpala. Maaring magluksa ng panandalian dahil sa pagwawalay ngunit lalong ikagalak ang takbuhing nagwakas.


ANG DAKILANG SUKATAN

"Bakit kinakailangan ko pang intindihin ang iba, hindi ba't mas mabuting mangyari na ituon ko ang pagpapaunlad sa aking sarili, at kapag ito ang natutunan ng lahat hindi ba't mangyayaring magkakaroon ng pag-unlad?", tandang-tanda ko pa noong buong karunungan ko itong sabihin sa aking maestro. At sa gayo'y di ko rin malimutan kung paanong nahabag siya sa akin na sa kabila ng kaabalahan niya sa pagsusulat ay tumigil at buong pagsuyo akong tinuruan ng mga dapat ko pang malaman.


"Paano mong malalaman lahat ang mga dapat mong matutunan kung di ka iintindihin ng iba, at paanong magkakaroon ng pag-unlad sa isang sambahayan o komunidad kung ang iniintindi lamang ay ang sariling kapakanan. Gawin mo sa iba ang sa tingin mo'y mabuti para sa iyong sarili.", ganito ang buong hinahong pahayag ni maestro.


Hindi na ako magtataka pa kung bakit sa magulong sosyalidad, bagsak na ekonomiya, talamak na karahasan at pag-agrabiyado ng iba sa kapwa tao ay ang aking maestro ang nilalapitan. Ang kanyang mga libro ang sulingan ng mga mamamayan, hindi lang sa panig ng mga kababayan kong mahirap kundi pati na ng mga nasa komersiyo at pulitika. Ang mga turo ni maestro ang ginamit nilang sukatan.


Marami pa nga ang nagsasabing siya na lamang ang ilagay sa panunungkulan sa gobyerno nang sa gayo'y maranasan naman ng bayan ang pag-unlad. Subalit nakikilala ko ang aking maestro. Mas pipiliin niyang manatili sa kung nasaan siya ngayon kaysa lumahok sa kumplikadong sitwasyon, nalalaman niya ang kanyang kakayahan.


ANG TALINGHAGA

 Sa kabila ng lahat ng ito, di ko parin magagap ang kaniyang mga dakilang paraan. Bakit higit siyang malapit sa mga taong halos walang mapagkakitaan? At mas ninanais pa niyang makisalamuha sa kanilang payak na pagsasaya. Hanggang sa marinig ko sa kaniya ang isang talinghaga... (Itutuloy)


© Noel Manzano (Noël)
10-15-11 18:30

No comments: