Sunday, August 5, 2012

ANG DAKILANG MANANAKBO


ANG HULI ANG PINARANGALAN

Isa sa mga natutuhan ko mula sa aking tagapagturo ay ang pangangalaga sa katawan. Kung paanong pinatatalas mo ang iyong isipan, dinadagdagan ang pananampalataya, pinalulusog ang tamang pakikipagkapwa, ay hindi rin naman dapat malimot ang aspetong pisikal. Hindi dapat lumipas ang isang Linggo na wala kang ginawang pagsisiyasat at ehersisyong pangkatawan.Kaya bawat bukang-liwayway ng Biyernes ay buong disiplina niyang niyayagyag ang kilo-kilometro sa pagdi-jogging.

Bilang pagsisimula, itinakda ko rin ang pasimulang silay ng araw ng Sabado.

Naikot ko na ang gusaling nagsisilbing ruta ng aking pagdi-jogging ng maabutan ko ang isang mananakbong mag-isa rin, siguro'y nasa gulang na di lalagpas sa limampu kung di ko maipagkakamali. Pinangahasan kong tumapat sa kanya at ayon sa aking inaasahan, sumenyas ng pangungumusta ang kanyang kamay. Nagbunsod ito ng ilang oras na kwentuhan at palitan ng danas nang bigla na lamang sumigaw at kumaway sa di kalayuan ang dalwang batang masayang naghahabulan. Ito pala ang araw nila kasama ng kaniyang buong sambahayan. At isa sa mga kwento niya ang di ko malilimutan...
(Susubukan kong ibuod batay sa aking pagkaalala)

Ito ay tungkol sa isang dakilang mananakbo, pasimula niya;

Isang mahusay na mananakbo ang nakilala sa kanyang kapanahunan. Sa kanyang pagsisimula, sa edad niyang dalawampu’t-apat ay naging kalahok  na siya sa mga kompetisyong hindi lamang panglocal at dibisyon kundi humangga ang kanyang katanyagan sa palarong internasyunal. Kinilala siya ng buong mundo.

Subalit ang pisikal na kakayahan ng katawan ay hindi nananatili sa dati nitong kalagayan. Ang maliksi ay unti-unting nawawalan ng koordinasyon, ang malakas ay humihina, at ang mabilis ay unti-unting bumabagal.
Ngayon, ang tanyag na manlalaro ay nasa gulang na apatnaput anim na. Salamat sa Diyos at natapos niya ng buong kahusayan  ang panahon ng kanyang kalakasan.

Tumigil sa pagtakbo ang tanyag na mananakbo.

Lumipas pa ang mga taon.
Nagpatuloy ang kapalaran sa paghubog ng mga bagong manlalaro. Nalikha ang mga mananakbong mabibilis at malalakas.

Nalimot ang mahusay na mananakbong minsan ay kinilala ng buong mundo.


Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat. Ang araw ng pag-aani ng mga mananakbo batay sa kanilang ginawang paghahanda at pagpapagal. Ang araw ng Pandaigdigang Kompetisyon.

Handa na ang lahat.

Nakaposisyon na ang mga mananakbo. Nakikiramdam! Pinupuno ng hangin ang dibdib at inaabangan ang pagputok ng gatilyo na siyang hudyat ng kanilang pagragasa.

Ready!

Get set!

(Isa sa mga manlalarong kalahok ay hindi na makapaghintay, na wari'y ang muling pagtakbo at makalaban ang mga bagong mahuhusay na mananakbo ang nagbibigay sa kanya ng lakas.)

Bang!

Umibis ang mga manlalaro! At sa isang iglap, sa bugso ng pagkasabik at galak, ang dating tanyag na mananakbo ang muling nangunguna sa takbuhan. Sa laki ng kanyang mga paghakbang at bilis ng pagpapalit-palit ng kanyang mga binti ay tila burikong nakawala, at di na mapigilan. Nasaan ngayon ang mga bagong mahuhusay na mananakbo?

Subalit, ang katotohanan ang nangingibabaw.

Ang katawang panlupa ay di namamalaging matibay. Ang kapos ay hinihingal at ang umabot na sa limitasyon ay napapagod at nauubusan ng lakas. Ang unang bugso ng kaniyang damdamin na sa sumandali'y nagbigay sa kanya ng lakas ay natapos. Kaya ang tanyag na mananakbo ay unti-unting bumagal sa paghakbang.

Sa kalagitnaan ay nalagpasan siya ng isa, pagkatapos ay ng isa pa, at dalwa, hanggang sa ang kaninang nauuna ay nahuli.
Sa kasamaang-palad ay nadapa ang tanyag na manlalaro. Subalit ang pagsuko ay wala sa isip niya. Agad siyang bumangon, at nagpatuloy.

Abot-abot ang paghinga niya at ang agwat sa iba na kanina'y isang dipa lang ay sampung metro na. Muling gumulong ang tanyag na mananakbo, pumikit ng bahagya.

Bumangon ulit at nagpatuloy. Wari'y nanlalabo na ang mga mata.

Tuloy lang sa paghakbang, sapagkat alam niyang malapit na siya sa hangganan.

Subalit muli ay isang maling paghakbang na naging dahilan upang siya'y mabalibag sa takbuhan.

Ah! Wala na talaga siyang lakas pa. Ilang segundong pinagpahinga muna niya ang sarili at pinipilit mahabol ang hininga. Pumikit siya sandali. Alam niyang kanina pa nakarating sa finish line ang kanyang mga kalaro. Subalit bakit tahimik ang mga tao?

Nagbalik-diwa siya, iminulat niya ang kanyang mga mata, at nakita niyang ilang dipa nalang ang hangganan. Hindi na niya kayang tumayo pa, wala ng lakas ang mga binti, subalit sa huling pagkakataon ay nais niyang tapusin ang nasimulan.
Gumapang siya at nagpatuloy. At sa wakas ang tanyag na mananakbo ay muling nakarating sa finish line.

At biglang nagtayuan at nagpalakpakan ang lahat ng mga taong naroroon. Mga taong natahimik at kanina pa'y nakikipaglabang kasama niya, sa loob-loob ay dumadalanging "Kaya mo yan". (FIN)


Napakagandang kwento, wari'y maayos kong naisalaysay subalit higit na madamdamin ang paghahayag sa akin ng mananakbong may gulang narin. "Maraming aral ang matutunan sa kwento, sabi niya, "batay lamang sa kung pano ito tumimo sa'yo".

Sa loob-loob ko " Hindi laging pabilisan ang batayan. Pinakamahalagang tanong parin ay kung paano mo tinapos ang labanan".






 #noel02/05/11
(halaw sa totoong pangyayari kay Derek Redmond)

No comments: